Featured Posts

Featured Posts
Featured Posts

JADSTravel

JADSTravel
OUR TRAVEL LOG

DADAY'S KITCHEN

DADAY'S KITCHEN
DADAY'S KITCHEN

Our Love Story: Isang Linggong Pag-Ibig Version 1999

DSC_1221[1]
Nagsimula ang lahat noong Ika-2 ng Hulyo, 1999…ikalawang araw ko sa kompanyang pinagtatrabahuhan ni Jonjie sa Cavite. Pagpapakilala pa lang sa akin, malakas na ang dating nya…antipatiko. Dumating ang tanghalian, nakita ko sya sa kantina kausap ang ibang engineers, nakatayo at nakataas ang isang paa sa upuan habang kumakain at nagsasalita…ang ingay, balasubas. Dakong hapon nakasalubong ko sya nakabukas ang unipormeng “shirt jock” at kung maglakad parang sya ang boss…ang yabang. Iyan ang mga unang impresyon ko sa kanya…tandang-tanda ko pa, parang kaylan lang.

Ganun tumakbo ang pakikitungo ko sa kanya. May isang pagkakataon pa na sinabihan ko sya, “hindi ka pa nanliligaw, basted ka na”. At ang sagot nya, “bakit, sinong maysabi sa ‘yong liligawan kita”. Grrrrrr…lagi na lang sya ay may huling salita….hmmmmp. Hanggang isang araw, wala noon ang manager ko, nagkakwentuhan kami tungkol sa buhay-buhay, likes and dislikes, mountain climbing…sabi ko sa sarili ko “hmmmn, malalim din pala sya…maingay nga lang talaga at malakas ang boses”.

Wild_wild_west_poster
Sabado, ika-31 ng Hulyo, habang nasa kantina kasama ang mga katropa nya nagkayayaan manood ng sine sa Filinvest Festival Mall, Alabang…bago pa iyon noon. Di ko matandaan kung bakit nakasama ako sa usapan at kung bakit napa-oo ako. Paglabas sa trabaho, sakay kami sa jeep ni Jonjie…tatlo kaming natuloy kasama si Ed. “Wild, wild West starring Will Smith and Kevin Kline” ang pinanood namin. Paglabas ng sinehan umuwi na si Ed. Ako naman masakit ang ulo kasi di ako sanay manood sa ibaba at gutom na gutom ako dahil wala kaming baon.

Nagyayang kumain si Jonjie…”hay salamat”, sabi ko sa sarili ko. Sa McDonald malapit sa Alabang Town Center kami napadpad…di ko na matandaan kung anong inorder ko…burger yata. Ang alam ko lang…masaya akong kausap sya. Di ko namalayan ang oras…malalim na ang gabi. Inihatid nya ako sa Dasmarinas, Cavite kung saan ako nangungupahan. Sa daan hanggang makarating kami, tuloy-tuloy ang kuwentuhan na para bang ayaw ng maghiwalay.

Maghapon ng Linggo, masayang-masaya ako…gusto ko Lunes na kaagad para makita ko sya (parang bagets lang…unang pag-ibig ba ito)…

Lunes (ika-2 ng Agosto)


Ang simula ng aming isang linggong pag-ibig. “Excited” akong pumasok. Siya agad ang hanap ng mata ko…may munting note akong nakahanda ng ang nakasulat “Thank you for last Saturday. I really had a wonderful time. I haven’t felt it in a long while”. 

Masaya ako buong maghapon…may ngiti ang mga labi at kaygaang ng pakiramdam.

Martes (ika-3 ng Agosto)


Inimbita nya akong mamasyal at nakarating kami sa Tagaytay. Kuwentuhan na naman ng tungkol sa buhay ng bawat isa, “getting to know stage”, sabi nga. Nalaman ko na Don Bosco graduate sya noong high school. Nagsisimba sya pero hindi fan ng mga novena at ung mga lumalapit sa imahen. Sabi ko sa kanya, “di pala tayo magkakasama bukas, kasi tuwing Miyerkules nagsisimba ako sa Baclaran”. Mabilis syang sumagot, “sasamahan kita”. Dasal ko sa sarili ko “thank you po Mama Mary, sya na ang lalaking ibinigay mo upang makasama ko”.

Pagbabalik-tanaw: Mga huling buwan ng 1996 o maaga ng 1997 ng magsimula akong sumimba sa Baclaran dahilan sa kaibigan kong si Thess at dahil may pinagdadaanan akong kalungkutan. Umaraw, umulan, kahit bumabagyo (wag lang baha)…di kami pumapalya. Simple lang ang dasal ko,
“Mama Mary, kung lumipas na po ang lalaking nakatadhana para sa akin, tulungan mo po akong maging masayang matandang dalaga…ayoko ko pong maging masungit. Kung hindi pa naman po at may nakalaan pa, pakibigay na po sa akin, ngayon na...kasi nagkakaedad na ako (30 o 31 na ako noon).
Kung pwede po sana kahit dalawang M lang…ung mamahalin ako at magsisimba kasama ko. At pwede po ba bigyan mo ako ng maliwanag na maliwang na sign na sya na ang lalaki para sa akin”
Ano pa bang pinakamaliwang na sign ang kailangan ko…hindi sya fan ng novena, pero sasamahan nya ako sa Baclaran…kay Mama Mary. Sya na…at wala ng iba!

Miyerkules (ika-4 ng Agosto)


NationalShrineofOurMotherofPerpetualHelpjf9967_01800px-NationalShrineofOurMotherofPerpetualHelpjfN9953_09
Paglabas sa trabaho, derecho na kami sa Baclaran. Pagkatapos ng novena, lumapit ako sa imahen ni Mama Mary at sinamahan nya ako. Sya na talaga ang nakalaan sa akin! 

Eh kaso, isinama nya ako sa Pilar Village, Las Pinas at ipinakilala sa dalawa nyang kapatid, sa hipag nya at mga pamangkin. Nakalimutan ko ang sign ni Mama Mary…natakot ako, hindi ako bagay sa pamilya nila. Mahirap lang kami…may kaya sila. Ang gagaling nilang mag-ingles…ako hindi. Probinsyana ako at anak ng magsasaka…siya ay laki sa Maynila at ang mga magulang ay nasa US.

Habang daan, tahimik ako. Naramdaman nya ang pagdistansya ko at nagtanong kung bakit. Sinabi ko ang takot ko at ginawa nya ang lahat para makampante ako. Pagdating sa bahay, medyo nahimasmasan na ako…

Huwebes (ika-5 ng Agosto)


Magkasama ulit kami pagdating ng hapon…hindi kami lumabas o namasyal. Nasa harap lang kami ng inuupahan ko, sa loob ng jeep at nagkukuwentuhan…hanggang alas kuwatro ng madaling-araw. Pareho kami ng dream house…lumang bahay ng Pinoy na palibot ng balkonahe at walang screen…open air. Napag-usapan din ang tungkol sa mga gusto kapag ikakasal. At kung anu-ano pa. 

Masaya ako kapag kausap ko sya…


Biyernes (ika-6 ng Agosto)

NottingHillRobertsGrant
Hindi ko matandaan kung paano namin pinag-usapan. Dahil paglabas sa trabaho, umuwi kami sa boarding house ko, iniwan ang jeep at sumakay kami ng bus papuntang Robinson Imus. Nanood kami ng Notting Hill starring Julia Roberts and Hugh Grant.

Feel good ang movie at idagdag pa na paborito ko si Julia Roberts magmula ng mapanood ko sya sa Pretty Woman. At higit sa lahat, enjoy ako dahil magkasama kami…

Ang famous line ni Julia Roberts bilang si Anna Scott, ”After all... I'm just a girl, standing in front of a boy, asking him to love her.” 

Sabado (ika-7 ng Agosto)


May lakad ang tropang Casio, mga dati kong kasama sa trabaho. Sa Laguna ang punta namin para sa isang get-together. Siyempre, di ko naman pwedeng isama si Jonjie kasi baka ma-out of place sya. 

At hindi ko alam kung paano ko sya ipapakilala. Di ko pwedeng sabihin…si Jonjie pala, magiging asawa ko pero di ko pa boyfriend…hala. Kaya inihatid nya lang ako kung saan magkikita-kita ang tropa.

Linggo (ika-8 ng Agosto)


nature's churchJesus Christ
Maaga niya akong sinundo upang sabay kaming magsimba sa Nature’s Church sa Moonwalk, Las Pinas. Unang beses kong mararating at makikita ang pamosong simbahan.

At namangha ako sa aking nakita. Ang bubong ay yari sa anahaw, walang dingding, ang mga upuan ay pinutol na katawan ng kahoy at ang imahen ni Hesukristo na nakadipa hindi sa krus ngunit sa buhay na malaking punongkahoy na nasa likod nito. Nasabi ko sa sarili, “dito ko gustong ikasal”.

Sa unahang upuan sa kaliwa, paharap sa altar kami naupo. Pagkatapos ng misa, lumuhod ako at nagdasal. Tumingin ako sa kanya at hinawakan nya ang kamay ko. Hindi na kinailangan ng mga salita, dahil alam ko simula sa oras na iyon, boyfriend ko na sya…

Basahin ang ikalawang yugto:

    No comments